Wednesday, August 7, 2024

EPIKO NI GILGAMESH

 salin sa Ingles ni N.K. Sandars saling-buod sa Filipino ni Cristina S. Chioco

1. Nagsimula ang epiko sa pagpapakilala kay Gilgamesh, ang hari ng lungsod ng Uruk, na ang dalawang katlo ng pagkatao ay diyos at ang sangkatlo ay tao. Matipuno, matapang, at makapangyarihan. Ngunit mayabang siya at abusado sa kaniyang kapangyarihan. Dahil sa kaniyang pang-aabuso, patuloy na nananalangin ang kaniyang mga nasasakupan na nawa’y makalaya sila sa kaniya.

2. Tinugon ng diyos ang kanilang dasal.  Nagpadala ito ng isang taong kasinlakas ni Gilgamesh, si Enkido, na lumaking kasama ng mga hayop sa kagubatan. Nagpang-amok ang dalawa nang sila ay magkita. Nanalo si Gilgamesh. Ngunit sa bandang huli ay naging matalik na magkaibigan sila. Di naglaon ay naging kasa-kasama na ni Gilgamesh si Enkido sa kaniyang mga pakikipaglaban. Una, pinatay nila si Humbaba, ang demonyong nagbabantay sa kagubatan ng Cedar. Pinatag nila ang kagubatan. Nang tangkain nilang siraan ang diyosang si Ishtar, na nagpahayag ng pagnanasa kay Gilgamesh, ipinadala nito ang toro ng Kalangitan upang wasakin ang kalupaang pinatag nila bilang parusa. Nagapi nina Gilgamesh at Enkido ang toro. Hindi pinahintulutan ng mga diyos ang kanilang kawalan ng paggalang kaya itinakda nilang dapat mamatay ang isa sa kanila, at iyon ay si Enkido na namatay sa matinding karamdaman.

3. Habang nakaratay si Enkido dahil sa matinding karamdaman, sa sama ng loob ay nasabi niya sa kaniyang kaibigan ang  ganito: “Ako ang pumutol sa punong Cedar, ako ang nagpatag ng kagubatan, ako ang nakapatay kay Humbaba, at ngayon, tingnan mo kung ano ang nangyari sa akin. Makinig ka kaibigan, nanaginip ako noong isang gabi. Nagngangalit ang kalangitan at sinagot ito ng galit din ng sangkalupaan. Sa pagitan ng dalawang ito ay nakatayo ako at sa harap ng isang taong ibon. Malungkot ang kaniyang mukha, at sinabi niya sa akin ang kaniyang layon. Mukha siyang bampira, ang kaniyang mga paa ay parang sa leon, ang kaniyang mga kamay ay kasintalim ng kuko ng agila. Sinunggaban niya ako, sinabunutan, at kinubabawan kaya ako ay nabuwal. Pagkatapos ay ginawa niyang pakpak ang aking mga kamay. Humarap siya sa akin at inilayo sa palasyo ni Irkalla, ang Reyna ng Kadiliman, patungo sa bahay na ang sinumang mapunta roon ay hindi na makababalik

4. Sa bahay kung saan ang mga tao ay nakaupo sa kadiliman, alikabok ang kanilang kinakain at luad ang kanilang karne. Ang damit nila’y parang mga ibon na ang pakpak ang tumatakip sa kanilang katawan, hindi sila nakakikita ng liwanag, kundi pawang kadiliman. Pumasok ako sa bahay na maalikabok, at nakita ko ang dating mga hari ng sandaigdigan na inalisan ng korona habang buhay, mga makapangyarihan, mga prinsipeng naghari sa mga nagdaang panahon. Sila na minsa’y naging mga diyos tulad nina Anu at Enlil ay mga alipin  ngayon na tagadala na lamang ng mga karne at tagasalok ng tubig sa bahay na maalikabok. Naroon din ang mga nakatataas na pari at ang kanilang mga sakristan. May mga tagapagsilbi sa templo, at nandun si Etana, ang hari ng Kish, na minsa’y inilipad ng agila sa kalangitan. Nakita ko rin si Samugan, ang hari ng mga tupa, naroon din si Ereshkigal, ang Reyna ng Kalaliman, at si Belit-Sheri na nakayuko sa harapan niya, ang tagatala ng mga diyos at tagapag-ingat ng aklat ng mga patay. Kinuha niya ang talaan, tumingin sa akin at nagtanong: “Sino ang nagdala sa iyo rito? Nagising akong maputlang-maputla, naguguluhan, tila nag-iisang tinatahak ang kagubatan at takot na takot.”

5. Pinunit ni Gilgamesh ang kaniyang damit, at pinunasan niya ang kaniyang luha. Umiyak siya nang umiyak. Sinabi niya kay Enkido, “Sino sa mga makapangyarihan sa Uruk ang may ganitong karunungan? Maraming di-kapani-paniwalang pangyayari ang nahayag. Bakit ganyan ang nilalaman ng iyong puso? Hindi kapani-paniwala at nakatatakot na panaginip. Kailangan itong paniwalaan bagaman ito’y nagdudulot ng katatakutan, sapagkat ito’y nagpapahayag na ang matinding kalungkutan ay maaaring dumating kahit sa isang napakalusog mang tao, na ang katapusan ng tao ay paghihinagpis.” At nagluksa si Gilgamesh. “Mananalangin ako sa mga dakilang diyos dahil ginamit niya ang aking kaibigan upang mahayag ang kasasapitan ng sinoman sa pamamagitan ng panaginip.”

6. Natapos ang panaginip ni Enkido at nakaratay pa rin siya sa karamdaman. Araw-araw ay palala nang palala ang kaniyang karamdaman. Sinabi niya kay Gilgamesh, “Minsan ay binigyan mo ako ng buhay, ngayon ay wala na ako kahit na ano.” Sa ikatlong araw ng kaniyang pagkakaratay ay tinawag ni Enkido si Gilgamesh upang siya’y itayo. Mahinang-mahina na siya, at ang kaniyang mga mata ay halos di na makakita sa kaiiyak. Inabot pa ng sampung araw ang kaniyang pagdadalamhati hanggang labindalawang araw. Tinawag niya si Gilgamesh, “Kaibigan, pinarusahan ako ng mga dakilang diyos at mamamatay akong kahiya-hiya. Hindi ako mamamatay tulad ng mga namatay sa labanan; natatakot akong mamatay, ngunit maligaya ang taong namatay sa pakikipaglaban, kaysa katulad kong nakahihiya ang pagkamatay.” Iniyakan ni Gilgamesh ang kaniyang kaibigan.

7. Pinagluksa ni Gilgamesh ang pagkamatay ng kaniyang kaibigan sa loob ng pitong araw at gabi. Sa huli, pinagpatayo niya ito ng estatwa sa tulong ng kaniyang mga tao bilang alaala.

Mga Tauhan:
Anu     -  Diyos ng kalangitan; ang Diyos Ama
Ea       -  Diyos ng karunungan; kaibigan ng mga tao
Enkido  -  Kaibigan ni Gilgamesh; matapang  na tao na nilikha mula sa luwad 
Enlil    -  Diyos ng hangin at ng mundo
Gilgamesh  -  Hari ng Uruk at ang bayani ng epiko
Ishtar  -  Diyosa ng pag-ibig at digmaan; ang reyna ng mundo
Ninurta  -  Diyos ng digmaan at pag-aalitan
Shamash  -  Diyos na may kaugnayan sa araw at sa mga batas  ng tao
Siduri  -   Diyosa ng alak at mga inumin
Urshanabi  -   Mamamangkang  naglalakbay araw-araw sa dagat ng kamatayan patungo sa tahanan ng Utnapishtim
Utnapishtim  -  Iniligtas ng mga diyos mula sa malaking baha upang sirain ang mga tao; binigyan ng mga diyos ng buhay na walang hanggan.


SA MGA KUKO NG LIWANAG (Isang Suring Basa)

 Lumabas sa unang pagkakataon bilang isang serye sa mga pahina ng Liwayway Magazine ang nobelang Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes. Isinasalaysay nito ang buhay pakikipagsapalaran nina Julio at Ligaya na kapwa galing probinsiya. Kinakatawan nila ang libo-libong kapuspalad na nakipagsapalaran sa Maynila.

Si Ligaya ang naunang nagbakasakali kasama ng isang matronang babae na nagnangangalang Mrs. Cruz na nangako sa kaniya ng isang simpleng trabaho na may posibilidad na siya ay makapag-aral pa at makapagpadala ng kaunting tulong sa naiwan niyang mga magulang at kapatid. Pagkalipas ng ilang panahon na hindi nakapagpadala ng sulat si Ligaya sa kaniyang mga magulang at pati na rin kay Julio, naisip nito na sundan sa Maynila si Ligaya upang hanapin.

Sa paghahanap ni Julio ay naharap siya sa realidad ng buhay sa lungsod. Tulad ng ipinahihiwatig ng pamagat ng nobela, maaakit siya sa mga naggagandahang liwanag ng Kamaynilaan.

Totoong may nilalaman ang pagkakasulat ng Sa Kuko. Ang mga simbolong tulad ng gusali na unti-unting nagagawa mula sa mga sangkap o materyales nito na bakal, graba at semento, na sa bandang huli ay magiging mistulang panginoon pa ng mga kamay at katawang humugis dito. Ang alamat ng esterong walang nagmalasakit na tandaan, na sa kaitiman ay maaaring nagsisimbolo na rin mismo sa kaibuturan ng lungsod.

Tunay na nahuli ng nobela ang ingay at kalaswaan ng Maynila.  Talagang tugma ang pagsasalarawan nito sa mga lugar, pangyayari at tauhang mapupuntahan, mararanasan at makikilala nina Julio at Ligaya. Ibinibigay nito sa mambabasa ang isang makatotohanang buhay sa Lungsod ng mga Pangarap at Kasawian.

Kung babasahin muli ang nobela, maiisip na maaari pa ring mangyari ang kuwento nito sa kasalukuyang panahon. Baguhin lamang ang mga pangalan ng kalye sa mga kasalukuyang pangalan nito, bigyan lang ng cellphone sina Mister Balajadia at Misis Cruz, gawin lang mas modern ang tindahan ni Ah Tek, pasakayin lang kahit minsan si Julio  sa LRT at iba pa. Sa tingin ko pa nga, kung may makakaisip mang gawin muling pelikula ang librong ito, magiging swak pa rin ito sa panlasa ng masa.

Kung lubog man sa dumi at alikabok ang Maynilang inilarawan sa nobela, mayroon pa ring liwanag o pag-asang nagpupumilit na umilaw dito. Ang mga nakilala ni Julio na mabubuting tao, kapos man sila sa mismo sa materyal na mga bagay at kahit hindi nila halos maitawid ang kanilang mga sarili sa pang-araw-araw nilang pangangailangan, nagagawa pa rin nilang magbigay ng tulong at kabaitan kay Julio.

Tunay na isang mabisa, walang kupas at makatotohanang salamin ng lipunan ang nobela. Mabisa sapagkat hindi nito itinatago ang katotohanan, bagkus ipinapakita nito sa mambabasa sa paraang hindi ito maaaring isantabi. Sa makatotohanan nitong pagkakasulat, wala kang magagawa kundi harapin at tanggapin ito.

Totoo na malungkot mang isipin, kuwento ito ng libo libong Julio at Ligayang ipinapadpad ng kapalaran mula sa kanilang tahimik ngunit napakahirap na buhay sa probinsiya patungo sa buhay na hindi nila akalain na mas magiging mahirap pa.

Makatotohanan ito sapagkat hindi nito inihihiwalay ang sarili nito sa realidad ng lipunang sinasalamin nito. Tinatalakay dito ang di-makatarungang sitwasyon ng mga manggagawa, ang kaawa-awang kalagayan ng mga maralitang tagalungsod, ang diskriminasyon ng ilang tao at ang bulok na sistema na nagpapatakbo rito.

Ngunit higit sa lahat, ipinapakita ang pagkamakatotohanang ito sa katauhan ni Julio at sa kung paano siya kumilos at tumugon sa mga nangyayari sa kaniya. Hindi siya walang-kibong biktimang nagpapadala lamang sa kaniyang kapalaran. Hindi siya ang taong tama at wasto lamang ang gagawin ano pa man ang mangyari sa kaniya. Hindi si Ibarra si Julio na iniinda lamang ang mga kasamaang idinudulot sa kaniya ng kaniyang mga kaaway. Ngunit hindi rin naman siya si Simoun na naniniwalangna kasamaan din ang dapat iganti sa kaniyang mga kaaway. Sa huli,sabi nga ng may-akda, paano mo mamahalin ang isang tulad ni Julio? Ano ang karapat-dapat na redemption niya sa bandang huli? At ano ang kabuluhan at kahulugan ng kaniyang kinasapitan?

Maaaring hindi intensiyon ng nobela na sagutin ang mga huling tanong na iyan. Maaaring inakala ng may-akda na sapat nang maging salamin ng realidad ang kaniyang nobela. Ipinauubaya niya marahil sa ating ang paghahanap ng mga sagot, ang pagbibigay ng kabuluhan at kahulugan sa nasabing realidad. Hindi man nito tuwirang sinasabi, maaaring inaanyayahan nito palawakin ng mambabasa ang kaniyang kamalayan sa realidad na ito at harinawa, sabayan ng pagkilos.

- halaw sa Isang Suring Basa (Sa mga Kuko ng Liwanag)
ni Kevin Ventura, kinuha noong Nobyembre 12, 2014 mula sa
http://vjk112001.blogspot.com/2008/02/sa-mga-kuko-ng-liwanag-isang-suring.html

Tuesday, August 6, 2024

HARRY POTTER AND THE SORCERER'S STONE Suring Pelikula

 Ang  Harry Potter and Sorcerer’s Stone (Philosopher’s Stone) ay unang libro ni J.K.Rowling mula sa serye ng Harry Potter. Sinasabing ang nobelang ito ay naghatid kay Rowling ng kasikatan bilang isang mahusay na manunulat sa buong mundo. Isinapelikula ito noong 2001 na idinirek ni Chris Columbus at ibinahagi ng Warner Bros. Pictures. Pinagbibidahan ito nina Daniel Radcliffe bilang Harry Potter, Rupert Grin bilang Ron Weasley at Emma Watson bilang Hermione Granger. Tinatayang umabot sa $980 milyon ang kinita nito na naging  worldwide box office hit at kinilala sa iba’t ibang award-giving bodies tulad ng Academy Awards.

Nagbukas sa isang pagdiriwang ang kuwento na kadalasang palihim dahil sa ang mga nagdaang taon ay laging ginugulo ni Lord Voldemort. Bago ang gabing iyon, natuklasan ni Voldemort ang pinagtataguan ng tagong mag-anak ng Potter, at pinatay sina Lily at James Potter. Ngunit nang itinuro na niya ang kaniyang wand sa sanggol nitong anak na si Harry, ang sumpang patayin ito ay bumalik sa kaniya. Ang kaniyang katawan ay nasira, at si Voldemort ay naging isang walang kapangyarihang kaluluwa,naghahanap ng isang lugar sa mundo na walang makaka-istorbo samantalang si Harry  naman ay naiwang may marka ng kidlat sa kaniyang noo, ang natatanging palatandaan ng sumpa ni Voldemort. Ang misteryosong pagkakatalo ni Voldemort kay Harry ay nagresulta sa pagkakakilalang “ang batang nabuhay” sa mundo ng mga wizard.

Ang ulilang si Harry Potter ay sumunod na pinalaki ng kaniyang malupit, at walang kapangyarihang kamag-anak, ang  Dursleys, na walang pakialam sa pinagmulan ng mahika at sa hinaharap ni Harry. Subalit, sa paparating na ikalabing-isa niyang kaarawan, nagkaroon si Harry ng kanyang unang kontak sa daigdig ng mahika nang makatanggap siya ng sulat galing sa Hogwarts School of Witchcraft and Wizardry, na kinuha naman ng kaniyang Tiya at Tiyo bago pa niya ito magawang mabasa, Sa kaniyang ikalabing-isang kaarawan, sinabihan na siya ay isang wizard at inaanyayahan na pumunta sa Hogwarts. Sinabihan siya ni Hagrid na nagturo sa kaniya kung paano gumamit ng mahika  at gumawa ng  potions. Natutuhan din ni Harry na malampasan ang mga panlipunan at emosyonal na hadlang sa kaniya sa paglaban niya hanggang sa kaniyang pagbibinata at pagharap sa makapangyarihang si Voldemort.

Marami man ang nangyari kay Harry sa simula, nalagpasan niya ito sa tulong ng kaniyang mga kaibigan na sila Ron at Hermione. Katulong din niya si Professor Dumbledore na laging nariyan nagbibigay ng payo at paalala sa kaniya.

Totoo naman na nakuha ng pelikulang ito ang kiliti ng masa lalo ng kabataan. Ang mga karakter na ginamit dito ay nagpapaalala ng mga taong kilala na natin at sa mga taong dapat pa nating kilalanin. Tulad ng batang mataba na laki sa layaw na si Dudley o kaya ang mala ‘boss’ at mapanghimasok ngunit may malambot na pusong si Hermione. Malaking bilang rin ng mga batang manonood ang makaka-relate kay Harry partikular sa kaniyang inisyal na damdamin ng ganap na pagkakahiwalay at di kasali sa isang pamilya ngunit dumating ang panahon na dapat na niyang iwanan ang naturang buhay niya upang pumunta sa lugar kung saan siya kabilang at magiging ganap na masaya.

Sadyang nailarawan nang mabuti at detalyado ang Hogwarts bilang kaakit-akit na lugar na hindi lamang puno ng salamangka at mahika na tunay na katangiang pinapangarap na mapuntahan ng pangunahing tauhan. Iba’t ibang pakikipagsapalaran ang dinaanan ni Harry kasama ang dalawang kaibigan (Ron at Hermione) sa lugar ng Hogwarts. Malakas ang nais sabihin ng pelikula tungkol sa pakikipagkaibigan na naipakita sa mahusay na pagkakaganap ng mga artista. Mas lutang na lutang ang  kahusayan ni Daniel bilang si Harry na dumanas ng malaking hamon sa buhay.

Totoong magaling ang pagkakasulat ng iskrip.  Ang kasaysayan nito ay inilahad sa pamamagitan ng malalim na pananaliksik at pag-iisip. Buhay na buhay ang pelikula kung saan nakatulong ng malaki ang kulay na nakaangkop sa kapaligirang kinunan ng kamera bagaman hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng larawang kulang sa ilaw.

Sa kabuuan, ang pelikulang Harry Potter and Sorcerer’s Stone ay isang napakagandang pelikula. Sa pamamagitan ng pelikulang ito, nakikilala natin ang kultura ng ibang bansa at impluwensiyang nadala nito sa atin.

- Mula sa Elements of Literature nina Holt et. al. 2008. Texas, USA

Monday, August 5, 2024

PARA SA KAGALINGAN AT KARAPATAN NG MGA BATA

 ni Macky Macaspac

                Katahimikan ang namayani sa bulwagan matapos magsalita si Melissa San Miguel sa mikropono. Garalgal ang tinig ng executive director ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns  at tila  nagpipigil ng hikbi. Inanunsiyo niya, sa harap ng pambansang kumperensiya para sa karapatan at kagalingan ng mga bata, isang malagim na pamamaslang sa isang bata sa Tarlac ang naganap pa lamang.

                Isang 15-anyos na bata ang namatay, matapos magpaputok ng baril ang mga pulis para gibain ang mga bahay ng maralita sa naturang probinsiya.

                Nagluksa ang mga delegado ng nasabing kumperensiya. May ilan sa 300 delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naiyak pa. “Opisyal na itinatala ng Salinlahi ang ikasiyam na batang pinaslang sa ilalim ng administrasyong Aquino,” malungkot na wika ni San Miguel.

                Ang kumperensiya’y inilunsad ng iba’t ibang grupong tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata, sa pangunguna ng Salinlahi, Children’s Rehabilitation Center (CRC) at Gabriela. Inilunsad nila ito dahil mismo sa nakakaalarmang padron ng pagkakabiktima ng mga bata sa iba’t ibang proyekto’t patakaran ng gobyerno, kabilang na ang kampanyang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.

                Nagluksa ang mga delegado sa balita ng pagpaslang kay John Cali Lagrimas sa Tarlac dahil pamilyar ang istorya nito sa kanila.

Kaibigan sa Kubol

Nauna nang magsalita sa kumperensiya ang kinatawan ng iba’t ibang rehiyon hinggil sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Matapos ibalita ang naganap kay John Cali, isang 10-anyos na bata mula sa Hacienda Luisita, Tarlac, na si Jojie ang di nakatuloy sa pagtetestimonya. “Kaibigan ko siya, kasama ko siyang natutulog sa kubol,” kuwento ni Jojie

Hindi umano taga-Luisita si John Cali, pero sumasama siya sa kaniyang mga magulang na taga-Brgy. San Roque na sumuporta sa “bungkalan” ng mga magsasaka sa lupang inaangkin ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC). Sa bungkalang ito nakilala niya si Jojie.

Hindi na makapagsalita ang batang si Jojie na nagmula sa Hacienda Luisita, nang mabalitaan niyang napatay ang kaniyang kaibigan sa demolisyon sa Tarlac habang nagaganap ang kumperensiya. (Macky Macaspac)

Nasaksihan din ng dalawang bata ang tangkang pagbuwag noon sa mga kubol sa lugar ng bungkalan kung saan pinaputukan ng mga guwardiya ng RCBC ang mga magsasaka. Sa testimonya ni Jojie, sinabi niiyang hindi iyon ang unang pagkakataon na makasaksi siya ng karahasan. Apat na taon pa lang si Jojie nang masaksihan niya ang karahasan sa sarili niyang pamilya. “Noong bata pa ako, nasaksihan ko po kung paano binugbog ng mga tauhan ni Hen. Jovito Palparan ang aking papa. Nakita ko nung pinasubo nila ng silencer ng baril si papa,” ayon sa testimonya ng bata.

Kuwento ni Jojie, hindi nila makakalimutan ni John Cali ang pananakot ng mga guwardiya ng RCBC. “Pinaputukan kami ng mga security guard ng RCBC nang limang beses. Takot na takot kami,” ani Jojie.

Bahagi ang paglabag ng mga karapatan nina Jojie at John Cali ng malawakang paglabag sa karapatan ng mga bata sa Pilipinas.

“Patuloy na pinapahirapan ang mga bata dahil sa patuloy na pagpapatupad ng gobyerno sa mga patakarang neo-liberal na nakapaloob sa programa at proyekto ni Pangulong Benigno Aquino III,” pahayag ng Salinlahi.

Patakarang  Neo-Liberal

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni San Miguel na layunin ng kumperensiya na ipakita na hindi nagbago ang kalagayan ng mga bata sa loob ng 19 taon matapos iproklama ng United Nations ang buwan ng Oktubre bilang buwan ng mga bata.

“Hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga bata at nagpapatuloy ang paglabag sa kanilang mga karapatan,” aniya.  Nagsagawa ng pag-aaral ang Salinlahi hinggil sa epekto sa mga bata ng mga patakarang ipinatutupad ng gobyerno. Ayon dito, apektado ang 35.1 milyong bata sa 11.7 milyong Pilipino na walang trabaho. Dahil apektado umano ang mga bata sa kawalan o kakulangan ng trabaho ng kanilang mga magulang, napipilitan silang magtrabaho sa murang edad.

Kahit sa datos ng International Labor Organization (ILO) at National Statistics Office (NSO), nasa limang milyon ang mga batang manggagawa, kalakhan nito’y nasa sektor ng agrikultura.

Ayon sa Salinlahi, pinalala ng mga patakaran tulad ng liberalisasyon sa pangangalakal ang kalagayan ng mga bata. Sa pagpasok ng  imported  na mga produktong agrikultural partikular na ang galing sa bansang US, mistulang pinapatay nito ang lokal na agrikultura ng bansa.

Inihalimbawa ng grupo ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa malalaking plantasyon ng asukal sa Negros Occidental. Dahil sa walang habas na importasyon ng asukal, halos patayin na nito ang lokal na industriya. Dahil sa matinding kompetisyon, nagresulta ito ng pagpasok ng sistemang pakyawan sa mga manggagawang bukid sa mga asyenda.

Para sa Kagalingan at Karapatan ng mga Bata, kinuha noong July 2, 2014,
mula http://pinoyweekly.org/new/2012/10/para-sa-kagalingan-at-karapatan-ng-mga-bata/comment-page-1

Sunday, August 4, 2024

AKO PO’Y PITONG TAONG GULANG

         Hello. Ang pangalan ko po ay Amelia at nakatira ako sa isang isla sa Caribbean. Ako po’y pitong taong gulang. Noon po’y ibinigay ako ng aking mahihirap na magulang sa isang mayamang pamilya na nakatira sa lungsod.

        Ngayon pong araw na ito, gaya ng ginagawa ko araw-araw, gumigising po ako ng alas singko ng umaga. Umiigib ako ng tubig sa isang balon na malapit sa amin. Napakahirap pong balansehin ang mabibigat na banga sa aking ulo.  Pagkatapos po ay naghanda na ako ng almusal at inihain ko po iyon sa pamilyang pinaglilingkuran. Medyo nahuli nga po akong ng paghahain ng almusal, kaya pinalo po ako ng aking amo ng sinturon.

        Pagkatapos po ay inihatid ko sa paaralan ang kanilang limang taong gulang na anak na lalaki. Sumunod po, tumutulong ako sa paghahanda at paghahain ng tanghalian ng pamilya. Kung hindi pa po oras ng pagkain, kailangan ko pong mamili ng pagkain sa palengke at gawin ang mga utos nila, asikasuhin ang apuyan, walisan ang bakuran, labhan ang mga damit at hugasan ang pinagkainan at linisin ang kusina.  Hinihugasan ko rin po ang mga paa ng aking among babae. Galit na galit po siya ngayong araw na ito at sinampal po niya ako dahil sa galit. Sana’y hindi na po siya galit bukas.

        Ipinakain po sa akin ang kanilang natirang pagkain, mas mabuti naman po ito kaysa giniling na mais na kinain ko po kahapon.  Gula-gulanit po ang aking damit at wala akong sapatos. Hindi po ako kailanman pinayagan ng aking mga amo na ipaligo ang tubig na iniigib ko para sa pamilya. Kagabi po ay sa labas ako natulog, kung minsan po ay pinatutulog nila ako sa sahig sa loob ng bahay. Nakalulungkot pong isipin na hindi ako ang mismong sumulat nito. Ayaw po nila kasi akong payagang mag-aral.

        Maging maayos po sana ang araw ninyo. Amelia

- Mula sa Filipino 2 Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.

Saturday, August 3, 2024

PINAGMULAN NG MGA ISLA NG CARIBBEAN

                 Sa loob ng isandaang taon, ang  Caribbean Islands ay pinaninirahan ng tatlong pangunahing katutubong tribo- ang Arawaks, ang Ciboney at ang tribo na nagbigay ng pangalan sa isla, ang Caribs. Sinasabing sa pagdating ni Christopher Columbus ang unang European na nakarating sa isla ay nagkaroon ng dramatikong pagbabago sa kasaysayan ng Caribbean.  Ang Spain ang orihinal na umangkin sa buong isla. Hindi ito ikinasiya ng mga taga-isla na nakatira roon maging ng mga bansa sa Europa na nag-aagawan sa isla tulad ng France, England, Netherlands, at Denmark.

                Samantala, ang mga taal na katutubong tribo na nakatira sa isla ay halos nalipol. Kung nalipol ang mga tao ng isla gayundin ang kanilang pamumuhay kaya ang kultura ng  Caribbean ay madalas na nagbabago.  Karamihan ng mga taga-isla ay naging biktima ng pang-aalipin kung kaya napalitan ang katutubong kultura mula sa Africa. Di-kalaunan ang mga labanan ay natigil at karamihan sa mga isla ay natahimik. Bagaman ang pang-aalipin ang sumisira sa plantasyon ng asukal at kape sa lugar, karamihan ng mga labanan ay natigil dahil ang mga bansa sa Europa ay humubog ng sarili nilang kultura sa mga sarili nilang teritoryo. 

History of Caribbean Island, kinuha noong Marso 3, 2014,
mula sa (http://www.destination360.com/caribbean/history)

Friday, August 2, 2024

MALIGAYANG PASKO

 ni Eros S. Atalia

Pinatay niya na ang sauce. Luto  na rin ang noodles ng spaghetti. Sinilip niya ang oven.  Paluto na ang lechon de leche. Nagniningning sa mantika ang hamon, hotdog at bacon. Nasa gitna na ng mesa ang mansanas, ubas, kahel at peras. Hiwa na rin ang keso de bola. Timplado na rin ang juice.  Inilagay na niya sa mesa ang morcon, lechon manok, embutido, paella at pinasingaw na sugpo. Naglagay siya ng tatlong pinggan, baso, kutsara at tinidor sa mesa. Pati na rin ang napkin.

Maya-maya, bitbit na niya ang isang supot.  Sa loob nito ay may ilang nakabalot na ulam.

Lumabas na siya ng bahay. Tinahak na niya ang nagniningning na lansangan.  Habang naglalakad, sinilip niya ang laman ng supot. May apat na balot. Hindi niya maaninag kung ano-ano ang laman ng mga ito. Pero tamang-tama sa anim niyang anak at sa kanilang mag-asawa ang bitbit na pabaong Noche Buena.

Bukas, araw ng Pasko, maaga siyang babalik upang maghugas ng pinagkainan.

- Mula sa Wag Lang Di Makaraos (Atalia, 2011)

Thursday, August 1, 2024

KAHIRAPAN: HAMON SA BAWAT PILIPINO

 ni Manny Villar

Hindi nakapagtataka na ang bawat administrasyon ay nagsisikap na pagandahin ang larawan ng bansa sa kabila ng matitinding suliranin, pero kung minsan ay tila nakakainsulto dahil sa kalabisan.

Isang halimbawa ang mga ginawang pagbabago sa paraan ng pagtaya sa lawak ng kahirapan.

Isa sa mga binago ay ang pinakamababang komposisyon ng pagkain ng mga nasa Metro Manila upang ang isang pamilya ay hindi mabilang na dukha.

Sa dating panukat, ang  food threshold sa almusal ay tortang kamatis, sinangag, kape para sa matatanda at gatas para sa bata.

Sa bagong panukat, ang dapat ihain sa almusal ay pritong itlog, kape na may gatas at kanin. Wala na ang gatas para sa mga bata. Marami ring nawala sa bagong panukat para sa tanghalian, meryenda at hapunan.

Dahil sa mga pagbabagong ito, bumaba ang katumbas na sustansiya mula sa kinakain ng mga Pilipino para hindi mabilang na dukha.

Ibinaba rin ang poverty income threshold o ang halagang dapat kitain ng isang pamilyang may limang miyembro para hindi mabilang na mahirap, mula sa dating P7,953.00 hanggang P7,017.00.

Dahil sa mga pagbabagong ito, ang bilang ng mahihirap na pamilya ay bumaba mula 4.9 milyon hanggang 3.9 milyon, at ang bilang ng mamamayang dukha ay bumaba ng isang milyon – mula sa 24.1 milyon hanggang 23.1 milyon.

Sa aking pananaw, hindi malulutas ng anumang pagbabago sa panukat ang kahirapan. Kahit ang 23.1 milyong lugmok sa kahirapan ay napakalaking bilang pa rin.

Tinatalakay ko ang paksang ito hindi para tuligsain ang pamahalaan kundi para ipakita na ang kahirapan ay isang hamon na dapat harapin ng lahat ng mga Pilipino.

Ang unang hakbang para malutas ang kahirapan ay ang pagtanggap na ito ay suliranin ng bansa. Sa isang maysakit, walang magagawa ang sinumang manggagamot hangga’t hindi tinatanggap ng isang pasyente na siya ay maysakit.

Sa halip na pagandahin ang larawan ng kahirapan sa pamamagitan ng pagmamanipula sa mga panukat ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga proyektong makakalikha ng hanapbuhay, na magtataas ng antas sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino at sa bandang huli ay tunay na magpapababa sa bilang ng mahihirap.

Kahirapan Hamon sa Bawat Pilipino, kinuha noong Nobyembre 8, 2014
mula sa (http://www.balita.net.ph/2012/01/18/kahirapan-hamon-sa-bawat-pilipino/)