Wednesday, September 11, 2024

BAYANI NG BUKID

ni: Alejandrino Q. Perez

Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig
Sa buong maghapon gumagawang pilit.

Ang kaibigan ko ay si Kalakian
Laging nakahanda maging araw-araw
Sa pag-aararo at paglilinang
Upang maihanda ang lupang mayaman

Ang haring araw di pa sumisikat
Ako’y pupunta na sa napakalawak
Na aking bukiring laging nasa hagap
At tanging pag-asa ng taong masipag.

Sa aking lupain doon nagmumula
Lahat ng pagkain nitong ating bansa
Ang lahat ng tao, mayaman o dukha
Sila’y umaasa sa pawis ko’t gawa.

Sa aking paggawa ang tangi kong hangad
Ang aki’y dumami ng para sa lahat
Kapag ang balana’y may pagkaing tiyak
Umaasa akong puso’y nagagalak.

At pagmasdan ninyo ang aking bakuran
Inyong makikita ang mga halaman
Dito nagmumula masarap na gulay
Paunang pampalakas sa ating katawan.

Sa aming paligid namamalas pa rin
Ang alagang hayop katulad ng kambing
Baboy, manok, pato’y alay ay pagkain
Nagdudulot lakas sa sariling atin.

Ako’y gumagawa sa bawat panahon
Na sa aking puso ang taos na layon
Na sa bawat tao, ako’y makatulong
At nang maiwasan ang pagkakagutom.

Ako’y magsasakang bayani ng bukid
Sandata’y araro matapang sa init
Hindi natatakot kahit na sa lamig

Sa buong maghapon gumagawang pilit.

No comments:

Post a Comment